REPETEK, Ang Diyaryo ng Pilipino Thursday, February 20 2020
14 BILANGGO NG IWAHIG PRISON AND PENAL FARM, MAKALALAYA NA



ANG pormal na pag-anunsiyo sa pagpapalaya sa 14 na PDL (kanan) ng IPPF sa pangunguna ni IPPF Superintendent, CSSupt. Gerardo Aro (ikalawang larawan; gitna) kaalinsabay ng Araw ng Kalayaan ng bansa. (PHOTOS//DIANA ROSS M. CETENTA).

LABING-APAT na bilanggo ng Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) ang nakatakdang makalalaya ngayong buwan ng Hunyo.

Sa isang maikling seremonya kasabay ng Araw ng Kalayaan ay malugod na inanunsiyo ng pamunuan ang pagpapalaya sa nasabing mga indibidwal na buhat pa sa malalayong lugar sa bansa gaya ng Tondo sa Manila, Muntinlupa City, Nueva Ecija, Malabon, Diliman sa Quezon City, Lopez sa Quezon, Palo sa Leyte, Dalaguete sa Cebu, Cebu, at Romblon. Mayroon ding mula sa Brgy. Inagawan-Sub Colony sa lungsod ng Puerto Princesa at bayan ng Brooke’s Point, Palawan.

Ang expiration of sentence ng dating mga bilanggo ng IPPH ay dahil napagserbisyuhan na nila ang kabuuang taon ng sentensiya. Isa sa kanila ang natapos na noong Hunyo 3, isa rin noong Hunyo 5, 6, 10; tatlo noong Hunyo 13, at isa noong Hunyo 14, 16, at 17. Ang iba naman ay sa Hunyo 22, Hunyo 27.

Ayon sa tagapagsalita ng IPPH na si CTO II Levi Evangelista, isinabay ang pag-anunsiyo sa paggunita sa Araw ng Kalayaan para mabigyan ng kaunting programa ang kanilang paglaya nang kahit papaano umano ay maging masaya rin ang naturang mga indibidwal.

Hangad naman umano ng pamunuan ang ligtas nilang paglalakbay hanggang sa makabalik sila sa kani-kanilang mga lugar at maging bahagi rin ng kanilang buhay ang repormasyong nakuha nila sa IPPF.

Dahil sa layo ng lalawigan ng Palawan sa mainland Luzon at sa Visayas at Mindanao, hindi lamang umano basta palalayain ang nabanggit na mga dating PDL kundi bibigyan din sila ng pamasahe hanggang sa makarating sa kani-kanilang tahanan.

Sa ngayon umano, halos nasa 40 PDL ang nakalalaya mula sa kanilang pasilidad kada buwan dahil sa umiiral na Good Conduct Time Allowance (GCTA) base sa RA 10592, na nag-amiyenda sa ilang seksyon ng Revsed Penal Code, na sa Palawan ay kasama rin sa kwentada ang nakuha nilang points ng GCTA sa BJMP-Puerto Princesa City Jail at Provincial Jail Management Division (PJMD), ang mga pasilidad na pinaglalagakan ng mga naghihintay pa ng sentensiya o nahatulan na ng sentensiya tatlong taon pababa.

Paliwanag ni Evangelista, sa pamamagitan ng GCTA ay mababawasan ang kabuuang taon ng sentensiya ng isang PDL. Aniya, may kaukulang puntos ang paglahok sa iba’t ibang aktibidad halimbawa na lamang umano ay mga gawaing pang-edukasyon, ang pagtatrabaho sa basakan at ang pagtatanim ng palay, kung napapanatili ang kabaitan sa loob ng kulungan at hindi napupunta sa disciplinary cell, at marami pang iba.

“Ito po kasi ay mga definite sentence, mayroon pa pong parol—‘yung pansamantalang kalayaan na igagawad din po ngayong buwan,” dagdag pa ni Evangelista.

Malaki rin umano ang maitutulong ng ipinatutupad na batas na mas nagpapabilis sa pagpapalaya sa mga priso upang hindi magsiksikan sa loob ng IPPF, gaya ng iba pang correctional facility ng bansa.

“Isa rin sa magandang balita sapagkat nade-decongest ‘yung ating kulungan. Imagine, 40 PDL ang nakalalaya sa kada buwan i-times (multiply) ten mo ito ay nasa 400. So, mabilis po at malaking benepisyo po ito sa Iwahig [Prison and Penal Farm] upang hindi po sumikip ang mga selda [natin dito],” ani Evangelista.

Sa kabuan, nasa humigit-kumulang sa 3,200 na umano ang populasyon ng IPPF. Aminado mang kulang sila sa tauhan na dapat ang ideal ratio ay 1:6 ngunit sa naunang sinabi ng head ng tanggapan ay nasa 1:36 lamang, magkagayunpaman umano ay hindi iyon dahilan upang hindi nila mapangalagaan nang maayos ang mga nakapiit.

Sa hiwalay namang panayam ng local media sa isa sa mga nakalaya na buhat sa lungsod ng Puerto Princesa, lubos na nagpapasalamat ang ginoo sa pagkakataong makalalaya na siya matapos mahatulan ng hukuman ng pagkakakulong ng 14 na taon, walong buwan at isang araw dahil sa kasong murder.

Ayon sa naturang PDL na sa araw na iyon ay nagbibilang na lamang ng ilang araw para tuluyang makalaya, Abril 18, 2018 nang inihatid siya ng mga tauhan ng Puerto Princesa City Jail (PPCJ) sa IPPF matapos ang sampung taong pagkakalagak doon. Pagmamalaki pa niya, naging maganda ang rekord niya sa City Jail na sa katunayan ay nagsilbi pa siyang mayor ng isang selda kaya nabigyan ng GCTA na katumbas ng tatlong taon.

Bunsod nito, aniya, sa GCTA na pinadala ni PPCJ Warden Lino Soriano na tatlong taon, sa sampung taong pagkakakulong din sa nasabing pasilidad at sa mahigit isang taong pagkakakulong niya sa IPPF, sa wakas ay makalalaya na siya ngayong buwan.

Kaya payo niya sa mga taong nalihis ng landas at nakulong, upang makalaya ng mas maaga ay sumunod lamang sa mga ipinatutupad na batas at patakaran ng pamahalaan, huwag makisali sa mga iligal na gawain sa loob ng piitan gaya ng pagpapapasok ng kontrabando at maging mapagpakumbaba at maging mabait sa kapwa, at magkaroon ng pananalig sa Poong Maykapal.

Related Articles
PAGTATAYO NG MGA PSYCHIATRIC EMERGENCY ROOM, IPINANUNUKALA
ORDINANSANG IPAGBABAWAL ANG PAGSASANGLA NG 4P’S CASHCARDS, ISINUSULONG
ASAWA NG NAWAWALANG MANGINGISDA SA BAYAN NG ROXAS, PALAWAN, NANAWAGAN
MOBILE CLINIC PARA SA NORTE AT SUR NG PALAWAN, HINILING SA DOH-CHD
MGA BAGONG ABOGADO SA MGA ASPIRING LAW STUDENT: ‘WALANG SUKUAN’
SCHOOL-BASED IMMUNIZATION, INILUNSAD NG DOH-CHD MIMAROPA SA PALAWAN
MGA HUGOT, BUMUHOS SA SOCIAL MEDIA DAHIL SA 3 ARAW NA BLACKOUT SA BAYAN NG ROXAS
MAHIGPIT NA PAGSUNOD SA SPEED LIMIT, IPINAALAALA NG PROV’L BOARD SA MGA LGU
ISANG PALM OIL COMPANY SA PALAWAN, SINAMPULAN NG DENR-MIMAROPA
PALAWAN IPMR, MULING UMUPO SA KONSEHO SA PAMAMAGITAN NG HOLDOVER CAPACITY
TOP 5 SA MGA MAY MATAAS NA KASO NG DENGUE SA PALAWAN, INILABAS NG DOH-CHD MIMAROPA
COAL PLANT APPLICATION PALAWAN, BINIGYAN NA NG ECC NG DENR-MIMAROPA
CHINESE FISHING VESSEL, MAS DUMAMI UMANO ANG PRESENSIYA SA WEST PHILIPPINE SEA
TERORISTANG CPP-NPA HADLANG UMANO SA KAUNLARAN, AYON SA WESCOM
PANGANGALAGA SA RASA ISLAND WILDLIFE SANCTUARY, PATULOY NA PINAIIGTING
‘WALANG ABU SAYYAF ANG WESCOM AREA’
MALAMYANG AKSYON NG PILIPINAS SA KABILA NG GINAGAWA NG TSINA SA WPS, TINALAKAY
WESCOM, UMANONG NA-MONITOR NA MISSILE TESTING SA WEST PHILIPPINE SEA
PCL-PALAWAN, MAYROON NG BAHAY-TULUYAN SA LUNGSOD
IKA-10 ANIBERSARYO NG MT. MATALINGAHAN BILANG PROTECTED AREA IPINAGDIWANG
MBLT-3, DARATING SA PALAWAN UPANG HUMALILI SA MBLT-12
NEDA, HINDI UMANO TUTOL SA PAGHAHATI NG PALAWAN SA TATLONG PROBINSYA
14 BILANGGO NG IWAHIG PRISON AND PENAL FARM, MAKALALAYA NA
BANGKA NG MGA MANGINGISDANG PINOY, BINONGGO NG CHINESE VESSEL?
NASA 100 PALAWENYO, LUMAHOK SA BASIC STARTUP WORKSHOP NG DICT, QBO INNOVATION HUB
LOKAL NA PAMAHALAAN NG NARRA, PINAGHAHANDAAN NA ANG IKA-50 ANIBERSARYO
14 CENTENARIAN SA PALAWAN, NAKATAKDANG GAWARAN NG CASH GIFT NG DSWD
FOOD SAFETY SEMINAR, ISINAGAWA NG DTI-PALAWAN
NAWAWALANG DIVER SA TUBBATAHA, PATULOY PA RING PINAGHAHANAP
E-PERMITTING SYSTEM, NAKATAKDANG IPATUPAD NG PCSDS
PNNI, NAGSAGAWA NG TAHIMIK NA KILOS-PROTESTA
KATUTUBONG PALAW’AN NA SANGGOL, AKSIDENTENG NATAMAAN NG PANA SA ULO
SPOTTED WOOD OWL, ISINURENDER NG ISANG CONCERNED CITIZEN
IKATLONG IPMR NG PALAWAN, COA NA LAMANG UMANO ANG KULANG UPANG MAKAUPO
Newspaper of The Week
Advertise with Repetek
Weather
Currently
Currently
Islam
Lot For Sale
Public Transport Schedule
Bataraza/Rio Tuba
Palawan Shuttle Express Asso. Inc (Palshutex)
Puerto Prinsesa to Rio Tuba and vice versa
5:00am-6:30am,6:30am-8:30am, 11:30am upward daily trips
PCINSP Diosdado S. Alarcon PNP (Ret) - President
Contact Nos. 0917-553-2347 or 0921-594-9733 (for reservation)
Currency Converter