REPETEK, Ang Diyaryo ng Pilipino Sunday, September 22 2019
800 EKTARYANG PEARL FARM SA BUSUANGA INALMAHAN NG MGA MANGINGISDA, IP’S



(CONTRIBUTED PHOTO//PNNI)

INAALMAHAN umano ngayon ng mga mangingisda at ng mga indigenous peoples (IP’s) ang ekta-ektaryang taniman ng perlas sa munisipyo ng Busuanga.

“Yung apektadong apat na barangay sa Busuanga ay umaalma dahil nga ‘yung kanilang pangisdaan ay nalilimitahan na at pinagbabawalan pa sila ng mga personnel ng pearl farm,” pahayag ni Fidel Mondragon, vice chairman ng Municipal Fisheries and Aquatic Resource Management Council (MFARMC) hinggil sa isyu ng Hikari Pearl Farm sa pamamagitan ng phone interview ng Repetek noong ika-5 ngayong Marso.

Inaalmahan umano ng mga katutubo at lokal na mangingisda ang panukalang 800 ektaryang pearl farm na pagmamay-ari ng Hikari Corp. sa bayan ng Busuanga dahil wala umano itong konsultasyon mula sa publiko, ayon pa kay Mondragon.

Ayon pa sa kanya, bilang miyembro ng MFARMC, tungkulin nilang ipagtanggol ang karapatan at kapakanan ng mga maliliit na mangingisda at ng mga apektadong katutubo.

KALBARYO NG MGA MANGINGISDA

“Ito ay indikasyon na pakitid nang pakitid ‘yung daanan at ‘saka pangisdaan ng mga [maliliit] na mangingisda sa apat na barangay—Concepcion, Sagrada, Bogtong at ‘saka Salvacion,” pagbubunyag ni Mondragon.

Aniya, nasusupil na umano ang mga karapatan ng mga mangingisda sa lugar na nasasakupan ng naturang korporasyon na bilang rehistradong mangingisda ay dapat may karapatang gamitin ang Municipal Water territory ng nabanggit na bayan.

Hiling nila sa local government unit na isaalang-alang din ang mga karapatan ng mga maliliit na mangingisda na malaya at mapayapang makapaghanapbuhay sa lugar.

Nagtataka pa umano sila kung bakit nabigyan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) ng Strategic Environmental Plan (SEP) Clearance ang korporasyon ng Hikari kahit walang sapat na konsultasyon o endorsement mula sa MFARMC ng Busuanga, na may inilabas ng
resolusyon ng tahasang pagtutol sa peral farm ng Hikari SSP Corp.

WALANG FPIC?

“Yung area na sasakupin pa nila ay sakop pa ng…Ancestral Water ng mga katutubo sa Depelenged. So, hindi rin sila kumuha ng Free, Prior and Informed Consent (FPIC) na kailangan [sa] pagkuha ng pagsang-ayon ng mga katutubo na naninirahan doon sa isla na ‘yon dahil ang kanilang…pangisdaan ay lalagyan ng proyekto ng Hikari Pearl Farm,” tahasang pahayag ni Mondragon.

Giit niya, wala mang barangay water ngunit mayroon namang Ancestral Water ang mga katutubo sa munisipyo ng Busuanga.

“[K]aya patuloy na inaalmahan namin ito; ang bilis ng paggawad sa kanila ng SEP Clearance gayong hindi kami nakonsulta, lalo’t higit ‘yung mga mangingisda sa apat na barangay na nabanggit,” dagdag pa ng Vice Chairman ng MFARMC.

Aniya, wala umanong diretsang mandato ang PCSD na magtukoy sa water territory ng apat na barangay kundi dapat konsultahin muna ang mga barangay na maapektuhan sa gagawing pagsosona ng nasabing pamunuan.

Ayon pa sa kanya, sa pagkakaalam umano ng mangingisda ay sonang pangisdaan at hindi mari-culture zone ang tinutukoy na area kung saan balak ilagay ang proyekto.

Ikinatuwa naman umano nilang nabigyan sila ng pagkakataong ilabas ang kanilang mga hinaing tungkol sa isyu na may kinalaman sa karapatan at kapakanan ng mga mangingisda sa naganap na hearing ng PCSDS noong ika-28 ng Pebrero.

“[S]a madaling salita, maganda ang pangyayari noong paglilitis sapagkat lumitaw ang katotohanan. Kami po ay nagagalak sapagkat kami po ay napagbigyan [ng pagkakataong] magsalita doon sa adjudication body ng [PCSDS] upang nang sa ganu’n ay matimbang naman nila ‘yung katotohanan sa likod nito,” saad pa ni Mondragon.

Ngunit ikinalungkot at ipinagtataka naman umano nilang hindi naisama ang kanilang mga petisyon at sulat laban sa nasabing kompanya sa mismong evaluation report ng PCSDS tungkol sa isyu.

Dagdag pa ni Mondragon, kung isinama umano ito ay napag-aralan nang maayos ng pamunuan bago nagbigay ng SEP Clearance sa nasabing heganteng korporasyon.

“Eh, napakabilis naman yata na magbigay na hindi pa nakakasunod sa proseso gaya ng pagkuha ng Free, Prior and Informed Consent mula sa mga katutubo dahil lugar na pangisdaan [nila iyon kaya] mayroong ancestral water ang mga katutubo sa lugar,” aniya.

Ipinabatid din niyang mayroon ng aplikasyon para sa Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) ang mga katutubo sa Depelenged. Ang mga katutubo umano ang direktang maaapektuhan sa operasyon kaya dapat ay kinukunsolta rin sila.

Sa kabilang dako, kinumpirma rin ni Mondragon na hindi lamang isyu ng mangingisda ngunit isyu rin umano ito ng navigational route ang nasakop na bahagi ng isinagawang ekspansyon ng Hikari Corp.

“Hindi lang ito isyu ng mga mangingisda, isyu rin ito ng… navigation [route] na kung saan ‘pag may mga emergency… may mga rescue na nangyayari sa karatig-barangay na [kinakailangang] itawid ‘yung mga pasyente patungo sa [Culion General Hospital] para gamutin [doon]… kalimitan ay nababahura….” pahayag pa ni Mondragon.

PAGTUTOL NG MFARMC, PNNI

Batay naman sa liham na ibinigay ng pamanuan ng Palawan NGO Network, Inc. (PNNI) sa tanggapan ng PCSDS na may petsang ika-4 ng Mayo taong 2017, nakasaad sa liham na ang proyektong ito ay nabigyan ng SEP Clearance ng walang tamang pagdinig sa plenaryo ng Konseho.
Sa ganoong kalaking poyekto umano ay nangangailangan ng masinsinang talakayan ng mga miyembro ng PCSD.

Ayon pa sa sulat, sa ilalim ng Fisheries Code o ang RA 8550 na inamiyendahan ng RA 106554, sa lahat ng proyekto na ipanukala sa mga pangisdaang lugar ay kailangang isailalim muna sa konsultasyon ng Fisheries and Aquatic Resources Management Council (FARMC). Ngunit ang proyekto umanong Hikari ay walang endorsement galing sa BFARMCs ng mga Barangay ng Sagrada, Concepcion, Salvacion at Bogtong.

Sa katotohanan lamang umano, tinanggihan ito ng MFARMC ng bayan ng Busuanga. Ang mayroon lamang umanong endorsement para rito ay ang Brgy. Sagrada at Municipal LGU ng nabanggit na bayan.

“[Eight Hundred] (800) hectares is thrice the size of the mining area of Berong Nickel Corp. and the latter is big. To issue a SEP clearance for a project that displaces poor fishermen for the interests of few rich businessmen and politicians is not only unconscionable, it is unchristian. Please stop this form of water-grabbing,” walang paligoy-ligoy pang mga binitiwang salita ni PNNI Exec. Dir. Bobby Chan.

Kinuha naman ng Repetek ang panig ng PCSDS ukol dito na kung saan kinumpirma ni Jovic Fabello, spokesperson ng PCSDS, na nasa PCSD Adjudication Board Hearing at nag-umpisa na ang pagdinig sa complaints.

“[A]fter matapos ‘yung paghe-hear ng kaso, mayroong magiging agreement but for now I cannot say it’s true or not true. Hindi naman tayo nagpupunta sa area at hindi natin talaga nakikita mismo kung ano sitwasyon doon,” pahayag pa ni Fabello.

Aniya, malalaman umano ang resulta ng pagdinig sa merito ng kaso kapag natapos na ang mga pagdinig na gagawin ng PCSD Staff.

“Sa sunod na patawag ng Adjudication Board [ay] tuloy-tuloy ‘yung mga presentation ng mga witnesses para hopefully, later on ma-resolve na [at] magkaroon ng desisyon ‘yung PCSD Adjudication Board regarding sa isyu [na ito],” saad ng spokesperson ng PCSD.

Related Articles
PAGTATAYO NG MGA PSYCHIATRIC EMERGENCY ROOM, IPINANUNUKALA
ORDINANSANG IPAGBABAWAL ANG PAGSASANGLA NG 4P’S CASHCARDS, ISINUSULONG
ASAWA NG NAWAWALANG MANGINGISDA SA BAYAN NG ROXAS, PALAWAN, NANAWAGAN
MOBILE CLINIC PARA SA NORTE AT SUR NG PALAWAN, HINILING SA DOH-CHD
MGA BAGONG ABOGADO SA MGA ASPIRING LAW STUDENT: ‘WALANG SUKUAN’
SCHOOL-BASED IMMUNIZATION, INILUNSAD NG DOH-CHD MIMAROPA SA PALAWAN
MGA HUGOT, BUMUHOS SA SOCIAL MEDIA DAHIL SA 3 ARAW NA BLACKOUT SA BAYAN NG ROXAS
MAHIGPIT NA PAGSUNOD SA SPEED LIMIT, IPINAALAALA NG PROV’L BOARD SA MGA LGU
ISANG PALM OIL COMPANY SA PALAWAN, SINAMPULAN NG DENR-MIMAROPA
PALAWAN IPMR, MULING UMUPO SA KONSEHO SA PAMAMAGITAN NG HOLDOVER CAPACITY
TOP 5 SA MGA MAY MATAAS NA KASO NG DENGUE SA PALAWAN, INILABAS NG DOH-CHD MIMAROPA
COAL PLANT APPLICATION PALAWAN, BINIGYAN NA NG ECC NG DENR-MIMAROPA
CHINESE FISHING VESSEL, MAS DUMAMI UMANO ANG PRESENSIYA SA WEST PHILIPPINE SEA
TERORISTANG CPP-NPA HADLANG UMANO SA KAUNLARAN, AYON SA WESCOM
PANGANGALAGA SA RASA ISLAND WILDLIFE SANCTUARY, PATULOY NA PINAIIGTING
‘WALANG ABU SAYYAF ANG WESCOM AREA’
MALAMYANG AKSYON NG PILIPINAS SA KABILA NG GINAGAWA NG TSINA SA WPS, TINALAKAY
WESCOM, UMANONG NA-MONITOR NA MISSILE TESTING SA WEST PHILIPPINE SEA
PCL-PALAWAN, MAYROON NG BAHAY-TULUYAN SA LUNGSOD
IKA-10 ANIBERSARYO NG MT. MATALINGAHAN BILANG PROTECTED AREA IPINAGDIWANG
MBLT-3, DARATING SA PALAWAN UPANG HUMALILI SA MBLT-12
NEDA, HINDI UMANO TUTOL SA PAGHAHATI NG PALAWAN SA TATLONG PROBINSYA
14 BILANGGO NG IWAHIG PRISON AND PENAL FARM, MAKALALAYA NA
BANGKA NG MGA MANGINGISDANG PINOY, BINONGGO NG CHINESE VESSEL?
NASA 100 PALAWENYO, LUMAHOK SA BASIC STARTUP WORKSHOP NG DICT, QBO INNOVATION HUB
LOKAL NA PAMAHALAAN NG NARRA, PINAGHAHANDAAN NA ANG IKA-50 ANIBERSARYO
14 CENTENARIAN SA PALAWAN, NAKATAKDANG GAWARAN NG CASH GIFT NG DSWD
FOOD SAFETY SEMINAR, ISINAGAWA NG DTI-PALAWAN
NAWAWALANG DIVER SA TUBBATAHA, PATULOY PA RING PINAGHAHANAP
E-PERMITTING SYSTEM, NAKATAKDANG IPATUPAD NG PCSDS
PNNI, NAGSAGAWA NG TAHIMIK NA KILOS-PROTESTA
KATUTUBONG PALAW’AN NA SANGGOL, AKSIDENTENG NATAMAAN NG PANA SA ULO
SPOTTED WOOD OWL, ISINURENDER NG ISANG CONCERNED CITIZEN
IKATLONG IPMR NG PALAWAN, COA NA LAMANG UMANO ANG KULANG UPANG MAKAUPO
Newspaper of The Week
Advertise with Repetek
Weather
Currently
Currently
Islam
Lot For Sale
Public Transport Schedule
Bataraza/Rio Tuba
Palawan Shuttle Express Asso. Inc (Palshutex)
Puerto Prinsesa to Rio Tuba and vice versa
5:00am-6:30am,6:30am-8:30am, 11:30am upward daily trips
PCINSP Diosdado S. Alarcon PNP (Ret) - President
Contact Nos. 0917-553-2347 or 0921-594-9733 (for reservation)
Currency Converter