REPETEK, Ang Diyaryo ng Pilipino Thursday, February 20 2020
SCHOOL-BASED IMMUNIZATION, INILUNSAD NG DOH-CHD MIMAROPA SA PALAWAN



ANG pagbabakuna sa ilang elementary students ng PPPES noong ika-14 ng Agosto kasabay ng paglulunsad ng SBI, na sa buong Rehiyon ng Mimaropa ay isinagawa sa lalawigan ng Palawan. (CONTRIBUTED PHOTO//Myrine Ysobelle Sioco/DOH-CHD Mimaropa)

SA gitna ng mataas na kaso ng tigdas na naitala sa kasalukuyan sa Mimaropa Region, inilunsad ng Department of Health- Center for Health Development (DOH-CHD) Mimaropa ang School-based Immunization (SBI) Program sa Puerto Princesa Pilot Elementary School (PPPES) noong ika-14 ng Agosto.

Bahagi ng programa na may temang “BACK TO BAKUNA, Una sa lahat, Bakuna,” namigay ng screen sa mga bintana, weekly iron folic acid (WIFA) at oral health kits ang Kagawaran sa benepisyaryong eskuwelahan. Laman ng oral health kits ay toothpaste, toothbrush at sabong panghugas ng kamay na ipamamahagi sa mga silid-aralan sa PPPES ng mga guro sa kanilang mga nasasakupan.

Pagkatapos nito ay lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang DOH, DILG at ang DepEd para sa Integrated Health Programs in Schools.

Target ngayon ng DOH-CHD Mimaropa na mabakunahan ang 95 porsiyentong mga batang mag-aaral hanggang sa buwan ng Setyembre ngayong taon.

LATEST DATA
Sa datus ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) ng DOH, may kabuuang 1,923 measles cases ang kanilang naitala kabilang na ang 26 pagkamatay mula Enero hanggang Agosto 4, 2019. Kung ikukumpara sa 36 kaso lamang na naitala noong 2018, ang mga kaso ng tigdas ngayong taon ay katumbas sa 5,241 porsiyentong pagtaas. Sa kabuuang bilang, pinakamataas dito ay narekord sa Oriental Mindoro na mayroong 1,324 kaso kabilang ang 21 pagkamatay, sunod ang 275 kaso sa Occidental Mindoro, 187 kaso sa lalawigan ng Palawan at may tatlong sumakabilang-buhay, 85 kaso at dalawang yumao sa Romblon at 57 kaso sa Marinduque.
Kaya nang dahil sa demand para sa catch-up immunization laban sa sakit na measles, ginagawa ngayon ng DOH ang pagbibigay ng measles at rubella vaccines sa lahat ng public school learners mula kindergarten hanggang Grade 7 (first year high school). Ngunit nilinaw naman ng ahensiya na ibinibigay lamang ito kapag mayroong parental consent at sa mga hindi pa nakatanggap ng two doses ng Measles Containing Vaccine (MCV).

ANG MGA IBINIBIGAY NA VACCINE
Ang mga ibinibigay na turok ay Measles Containing Vaccine para sa mga kindergarten, MCV at Tetanus-Diphtheria (Td) Vaccines sa Grade 1 at MCV at Td rin sa mga Grade 7 children.

Upang makamit ang target ng Kagawaran ng Kalusugan, sa parte ng City Health Office (CHO) ng Puerto Princesa, maaga umano silang nagsimula ng pagsasagawa ng immunization sa mga paaralan.

Ayon kay Dr. Ric Panganiban, city health officer ng lungsod ng Puerto Princesa, nasa 39 elementary schools ang kanilang napuntahan at 12 high schools, na kung saan, 4,251 na ang nabigyan ng MCV habang 1,395 naman ang Td vaccines.

Sa kabuuang 57,998 na target population sa siyudad na ang 95 percent ay 55,000, nasa eight per cent pa lamang ang CHO. Ang datus ay binubuo ng 4,692 kindergarten, 32,006 na elementary students at 21,300 na Grade VII.

HAMON SA PAG-ABOT NG 95 % COVERAGE
Aminado si DOH-CHD Mimaropa Regional Director, Dr. Mario Baquilod na hamon ang pag-abot sa 95 percent na coverage ng immunization lalo na pagdating sa lalawigan ng Palawan na pahaba, mabundok at marami ang island municipalities. Mabuti na lamang umano at mayroong 817 na human resource for health ang idinagdag ang central office na itinalaga sa mga island provinces gaya ng Palawan na puwedeng pakilusin ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa gaya ng pagpapabakuna.

Ayon naman kay DOH Assistant Sec., Dr. Ma. Francia Laxamana, pinalala ng Climate Change ang measles sapagkat pinahahaba nito ang tag-ulan na dapat ay hanggang Agosto lamang ngunit sa pagtataya ng Pag-asa ay aabot ito hanggang sa Disyembre.

Iyon umano ang dahilan kaya ang estratehiyang kanilang naisip ay gawing buong taon na ang gagawin nilang paghahanda sa paglaban sa sakit na tigdas.

Binigyang-diin ng Assistant Health Secretary na nakamamatay man ang sakit na tigdas ay kaya naman itong maiwasan ng vaccine na makukuha kapag nagpabakuna. Kaya ang mga bata umanong nagkakasakit ngayon, malaki ang porsiyentong sila ang hindi nabakunahan ng kaukulang vaccine.

Ilan pa umano sa nakapagpapalala sa nasabing sakit ay ang malnutrisyon kaya madaling makapitan ng sakit ang isang bata at late referral na dinadala lamang sa ospital kapag malala na, na kung minsan ay nagreresulta sa kamatayan dahil sa kumplikasyon ng pneumonia.

Kapag naging matagumpay ang SBI, sunod na target ng Kagawaran ay ang mga Out-of-School Youth, at non-vulnerable sector.

PANAWAGAN NG DOH
Panawagan pa ni DOH Asec. Laxamana sa mga magulang na huwag matakot at alisin na nang tuluyan ang kanilang pangamba bunsod ng Dengvaxia controversy sapagkat ang measles vaccine ay iba sa dengvaxia na isang dengue vaccine na ang binigyan lamang ay ang Region III, Calabarzon at National Capital Region (NCR) habang ang measles vaccine ay sakop ang buong bansa at ginagawa na sa maraming taon na ang nakalilipas.

Migrasyon naman ang nakikitang dahilan ng DOH sa mabilisang pagkalat ng naturang sakit sa halos buong sulok ng Pilipinas. Gaya ng mga nauna na nilang pahayag, muli nilang binanggit na mula sa Marawi ang unang tinamaan ng Tigdas at dahil sa naganap noong kaguluhan ay umipat sila ng mga tirahan.

Related Articles
PAGTATAYO NG MGA PSYCHIATRIC EMERGENCY ROOM, IPINANUNUKALA
ORDINANSANG IPAGBABAWAL ANG PAGSASANGLA NG 4P’S CASHCARDS, ISINUSULONG
ASAWA NG NAWAWALANG MANGINGISDA SA BAYAN NG ROXAS, PALAWAN, NANAWAGAN
MOBILE CLINIC PARA SA NORTE AT SUR NG PALAWAN, HINILING SA DOH-CHD
MGA BAGONG ABOGADO SA MGA ASPIRING LAW STUDENT: ‘WALANG SUKUAN’
SCHOOL-BASED IMMUNIZATION, INILUNSAD NG DOH-CHD MIMAROPA SA PALAWAN
MGA HUGOT, BUMUHOS SA SOCIAL MEDIA DAHIL SA 3 ARAW NA BLACKOUT SA BAYAN NG ROXAS
MAHIGPIT NA PAGSUNOD SA SPEED LIMIT, IPINAALAALA NG PROV’L BOARD SA MGA LGU
ISANG PALM OIL COMPANY SA PALAWAN, SINAMPULAN NG DENR-MIMAROPA
Newspaper of The Week
Advertise with Repetek
Weather
Currently
Currently
Islam
Lot For Sale
Public Transport Schedule
Bataraza/Rio Tuba
Palawan Shuttle Express Asso. Inc (Palshutex)
Puerto Prinsesa to Rio Tuba and vice versa
5:00am-6:30am,6:30am-8:30am, 11:30am upward daily trips
PCINSP Diosdado S. Alarcon PNP (Ret) - President
Contact Nos. 0917-553-2347 or 0921-594-9733 (for reservation)
Currency Converter